Ang spoken poetry ay ang pagsasaad ng kwento sa pamamagitan ng isang tula. Ang spoken poetry ay isang anyo ng tula kung saan ang may-akda ay naglalahad ng tula sa madlang tao sa pamamagitan ng pagsasalaysay o “narration” sa Wikang Ingles. Kumpara isang sa normal na tula, mas malikhain at mapaghamong gawin ang spoken word poetry. Heto ang ilang mga example ng spoken poerty sa iba’t-ibang aspeto.

Spoken Poetries:

“HALIK SA HANGIN” —GHOST WRITER 

Ilang taon na rin ang nag-daan 

Bakas pa rin sa aking isipan 

Ang araw na huli kong nasilayan taglay mong 

kagandahan

Pagmamahal mong walang makatutumbas

Halik na lasang ubas

At mga ngiti na walang kasing tamis

Nakapapawi ng poot at mga hinagpis

Ang yakap mong napakahigpit, kailan kaya mauulit?

Hindi na pala mauulit, lumisan ka nang biglaan

Ni hindi ka man lang nag-paalam

Kaya’t hindi ko lubos maunawaan,

Kung ano nga ba ang aking kasalanan

Araw-araw pinipilit ngumiti upang maibsan ang kalungkutan

Makatingin sa malayo’t nilalanghap ang sariwang hangin

Habang dumadampi ito sa aking mukha

Ay tila ba may nais itong iparating

Naalala ko na ang mga sinabi mo,

Na kapag ika’y malayo ay kailangan ko lang

ipikit ang aking mga mata 

Sa ganoong paraan yakap at halik ay sa hangin mo na lamang ipadadala

Pero hindi pa ito sapat, ang kailangan ko ay ikaw

Sa mundo kong unti-unti nang nagugunaw

Na ang tanging makasasalba lang ay ikaw

Pero sige, alam kong hindi kana muling babalik

Batid ko na gusto mo ng lumagay sa tahimik

Higit sa lahat alam ko na ang makapiling Siya

ay kay tagal mo ng hinintay

Wala na akong magagawa dahil sarili mo na mismo ang iyong ibinigay

Ngayon ika’y nasa piling na Niya 

Alam ko na ikaw ay laging nakasubabay at gumagabay

Mula sa langit sa piling ng Diyos ako sana’y iyong bantayan

Sa panaginip ko na lamang ipagpapatuloy ang ating pag-iibigan,

Doon ay walang sino man ang makahahadlang

_________________________________________________________________________

PAGTANGGAP – Maru Peter Henry

Hi!

Pagtiyagaan mo sanang basahin ito

Dahil pagkatapos ng hindi ko na mabilang na mga buwan

Na ang sarili ko, hanggang ngayon, ay hindi ko matagpuan

Ay ngayon na lang ako ulit susulat sa iyo

Ngayon na lang ako susulat sa iyo nang walang halong galit

Sinusulatan kita na walang kagustuhang magpaawa

Pero gusto ko lang sana na malaman mo

Na hanggang ngayon, may mga bubog pa rin ako na hindi mapulot

May mga sulat ka pa rin para sa akin na hindi ko malukut-lukot

Minsan nga tinatanong ko pa rin kung bakit ba hindi tayo ang itinulot

At hanggang ngayon, naaamoy ko pa rin ang buhok mo sa kahit anomang kumot

Pero ayos lang siguro

Alam kong lilipas din ito

Medyo matagal lang talaga

At halos gabi-gabi sinusulatan pa rin kita

Pero mukhang ang sulat lang na ito

Ang may lakas ng loob ako na ipadala

At hindi ba kakaiba

Na hanggang ngayon ay sinasabihan pa rin kita

Ng laman ng pinakamalalim na bahagi ng puso ko?

Nababaliw na yata ako.

Sana maging masaya ka

At sana mapuno niya ang iyong puso

Huwag mo sanang titigan ang mga mali niya

At matuto ka rin sana na mapanuto

At baka sobra akong naging bulag

At hindi ko nakita na may kasalanan din ako

Anu’t-ano pa man,

Sana… Sana patawarin mo ako.

Salamat dahil dumaan ka sa buhay ko

Marami pa rin akong natututunan

At hanggang ngayon pinapalakas pa rin ako

Ng ginawa mong walang kasing-biglang paglisan

Ilang beses ko nang sinabi sa iyo,

“Pinapatawad na kita.”

Pero ngayon lang talaga ito naging totoo

Dahil pinapatawad ko na rin nang lubos

Ang nawawalang sarili ko.

Ingat ka palagi.

Salamat sa lahat.

Bye.

_________________________________________________________________________

“ESPASYO” —MISH 

“Mahal maghiwalay na muna tayo, kailangan natin ng espasyo” ang mga salita na dahan-dahang nagpagunaw ng mundo ko. Marahan mo itong binigkas nang walang pag-aatubili. Hindi ko mawari noon kung sinadya mo ba talagang sabihin ‘yon o may bumabagabag lamang sa iyong isipan. Andami kong gustong itanong sayo ngunit nagmistula akong estatuwa na hindi makagalaw dala ng pagkabigla, nagmistula akong pipi— napaso sa iyong mga salita, nanginginig at nababahala. Hindi ako umalis sa inyong tarangkahan— umaasa na nagbibiro ka lamang.

Hindi ka na ba nagagalak sa paksa ng mga tula na inilalathala ko sa’yo? Kasi mahal, iibahin ko. Hindi ka na ba natatawa sa mga biro ko? Kasi mahal, magsasaliksik ako ng bago. Hindi na ba ako ang iyong mainit na kape na kailangan mo sa t’wing umuulan? Ilan lang ‘yan sa samut-saring tanong na gusto kong itanong sa’yo. “At kung sakaling mahanap mo na yung espasyo na hinahanap mo, tandaan mo lang na nandito pa rin ako— handang maghintay.” Sa dinami-rami ng nais kong sabihin sa’yo, ‘yan lamang ang naisambit ko.

Buong akala ko oras lang para makapag-isip ang kailangan mo ngunit mahal, magtatatlong taon na ngayon, gaano pa ba kalawak na espasyo ang kailangan mo upang ako’y balikan mo?

_________________________________________________________________________

“LOVE AT FIRST SIGHT” -ROILAN

sa bawat paggising sa umaga 

sa bawat pagmulat nitong mata 

king iniisip mukha ng isang dyosa 

aking naalala kung paano nagkakilala

kung paano mo inabot ang iyong kamay 

at sa aking pag alis ganito ka kumaway 

Ang unang araw ng ating pagkikita 

ninanais kong wag ng matapos pa 

sapagkat ang gnada mong taglay mula ulo hanggang paa

ninais kong makita kang muli 

pananabik ng puso ang tanging nakakubli 

saan kita maaring matagpuan 

sapagkat sa gabi, luha na ang punda ng aking unan 

dahilan ng pananabik sa natatangi mong kagandahan 

sa pagdaan ng bawat sandali 

kaylangan ko ng mamili 

aasa pa ba ako na magkikita tayong muli 

Ngunit ako ngayoy nagdisisyon 

ang ganda mo ay kaylangan ng ibaon 

isama sa hukay sa balon 

isama sa basurang itatapon 

isama sa damong nakatumbon 

isabay sa paglimot ng kahapon 

ngayon ang iyong ganda ay nakalimutan ko na 

aking pagsinta panandalian lang pala 

ngayon akoy hindi na naghihintay at umaasa na muli kong masisilayan ang natatangi mong ganda.

_________________________________________________________________________

“Ang Buhay Ng Tao”-Nesutaa

Sa buhay ng tao, walang nakakaalam ng daan na eksakto, pero tiyak maraming lilikuang kanto, pasikot-sikot, pabalik-balik. Minsan nakakasawa, at nakakaubos ng pasensya. Madali lang naman sumuko, huminto, at wag nang dumiretso. Pero ano pa’t nabuhay sa mundo na hindi man lang nahanap ang dahilan kung bakit andito?

Marahil nawawalan na ng pag-asa, dahil puro na lamang masama ang naibabalita. Marahil isa sa mga gusto na lamang maglaho dahil marami na ang nag-aasal barbaro. Unti-unti nang nilalamon ng ilusyon ang mga tao. Nabubulag sa makamundong pagnanasa at gawain. Hanggang sa magkakaaway na ang tingin.

Pero hindi dapat ganito, hindi tayo inilagay dito para mag-umpisa ng gulo. Hindi ginawa para makidigma, hindi ginawa para gumawa ng masama. Hindi tayo binuhay para pumatay dahil hindi tayo papatay para mabuhay.

Bakit nga ba tayo nabuhay kung tayo rin ay mamamatay?

Kung hindi mahanap ang kasagutan, kaya buhay ay inaayawan hindi iyan dahilan para magpakagago, malulong sa bisyo, at parusahan ang mga nasa paligid at higit pa ay ang sarili. Kung walang magagawa, wag sisihin ang tadhana. Sa ayaw mo man o sa hindi, tao na. Hindi na pwedeng ibalik sa sinapupunan ng ina.

Walang kasiguraduhan kung ilang beses bang mabubuhay, wala pa namang bumabalik sa mga namatay. Andyan na iyan, andyan na ang buhay. Pwedeng hintayin na mamatay na lang, magpakamatay na lang, o bigyan ng saysay ang buhay. Dahil hindi naman pwedeng magreklamo na sana hindi muna isinilang, dahil sa hindi pa handa. Sino nga ba ang naging handa? Wag tayong umastang biktima, dahil sa una lahat tayo’y biktima. Sa mga panahon na wala pang ideya kung bakit ba humihinga. Pero sa sandaling malaman na ang buhay ay may halaga, na hindi lang tayo basta-bastang nilikha para kumita ng pera at makalamang sa kapwa, tayo mismo ang magsasabi na Dakila nga ang Dakilang Lumikha.

Buksan ang mga mata, nabuhay hindi para sa iba, hindi para magparami ng pera, at maging kilala. Nabuhay tayo para sa Kanya. Siya ang dapat na unang hinahanap, Siya ang unang kinikilala, nasa Kanya ang mga kasagutan, para sa ikapapayapa ng isipan. Kasikatan, kayamanan, katanyagan lahat nang iyan ay mababalewala kung hindi pupunan ang puwang sa puso na tanging Panginoon lamang ang makabubuo.

Hindi ba nakapagtataka kung bakit marami ngayon ay nasa dilim at nangangapa? Kung bakit marami ang nawawala, hinahanap ang kung anong bagay na sa tingin nila ay magpapakumpleto sa kanila? Kasi lahat ay hinarap na nila pero lang ang isa. Lahat nakilala na nila pero lang ang isa. Lahat maliban sa Diyos Ama.

_________________________________________________________________________

Sana ay nagustuhan ninyo ang mga ilang spoken poerty, kung kayo ay naantig maari ninyo 

itong makita sa ‘Tagalog Filipino Spoken Poetry’ at ‘Filipino Spoken Word’. Kung kayo ay may mga katanungan maari ninyo itong isulat sa comment section. Huwag ninyo din kalimutan i-check ang iba pa namin mga blogs dito sa Pacute.com!