Ang spoken poetry ay ang pagsasaad ng kwento sa pamamagitan ng isang tula. Ang spoken poetry ay isang anyo ng tula kung saan ang may-akda ay naglalahad ng tula sa madlang tao sa pamamagitan ng pagsasalaysay o “narration” sa Wikang Ingles. Kumpara isang sa normal na tula, mas malikhain at mapaghamong gawin ang spoken word poetry. Heto ang ilang mga example ng spoken poerty sa iba’t-ibang aspeto.
Spoken Poetries:
“HALIK SA HANGIN” —GHOST WRITER
Ilang taon na rin ang nag-daan
Bakas pa rin sa aking isipan
Ang araw na huli kong nasilayan taglay mong
kagandahan
Pagmamahal mong walang makatutumbas
Halik na lasang ubas
At mga ngiti na walang kasing tamis
Nakapapawi ng poot at mga hinagpis
Ang yakap mong napakahigpit, kailan kaya mauulit?
Hindi na pala mauulit, lumisan ka nang biglaan
Ni hindi ka man lang nag-paalam
Kaya’t hindi ko lubos maunawaan,
Kung ano nga ba ang aking kasalanan
Araw-araw pinipilit ngumiti upang maibsan ang kalungkutan
Makatingin sa malayo’t nilalanghap ang sariwang hangin
Habang dumadampi ito sa aking mukha
Ay tila ba may nais itong iparating
Naalala ko na ang mga sinabi mo,
Na kapag ika’y malayo ay kailangan ko lang
ipikit ang aking mga mata
Sa ganoong paraan yakap at halik ay sa hangin mo na lamang ipadadala
Pero hindi pa ito sapat, ang kailangan ko ay ikaw
Sa mundo kong unti-unti nang nagugunaw
Na ang tanging makasasalba lang ay ikaw
Pero sige, alam kong hindi kana muling babalik
Batid ko na gusto mo ng lumagay sa tahimik
Higit sa lahat alam ko na ang makapiling Siya
ay kay tagal mo ng hinintay
Wala na akong magagawa dahil sarili mo na mismo ang iyong ibinigay
Ngayon ika’y nasa piling na Niya
Alam ko na ikaw ay laging nakasubabay at gumagabay
Mula sa langit sa piling ng Diyos ako sana’y iyong bantayan
Sa panaginip ko na lamang ipagpapatuloy ang ating pag-iibigan,
Doon ay walang sino man ang makahahadlang
_________________________________________________________________________
PAGTANGGAP – Maru Peter Henry
Hi!
Pagtiyagaan mo sanang basahin ito
Dahil pagkatapos ng hindi ko na mabilang na mga buwan
Na ang sarili ko, hanggang ngayon, ay hindi ko matagpuan
Ay ngayon na lang ako ulit susulat sa iyo
Ngayon na lang ako susulat sa iyo nang walang halong galit
Sinusulatan kita na walang kagustuhang magpaawa
Pero gusto ko lang sana na malaman mo
Na hanggang ngayon, may mga bubog pa rin ako na hindi mapulot
May mga sulat ka pa rin para sa akin na hindi ko malukut-lukot
Minsan nga tinatanong ko pa rin kung bakit ba hindi tayo ang itinulot
At hanggang ngayon, naaamoy ko pa rin ang buhok mo sa kahit anomang kumot
Pero ayos lang siguro
Alam kong lilipas din ito
Medyo matagal lang talaga
At halos gabi-gabi sinusulatan pa rin kita
Pero mukhang ang sulat lang na ito
Ang may lakas ng loob ako na ipadala
At hindi ba kakaiba
Na hanggang ngayon ay sinasabihan pa rin kita
Ng laman ng pinakamalalim na bahagi ng puso ko?
Nababaliw na yata ako.
Sana maging masaya ka
At sana mapuno niya ang iyong puso
Huwag mo sanang titigan ang mga mali niya
At matuto ka rin sana na mapanuto
At baka sobra akong naging bulag
At hindi ko nakita na may kasalanan din ako
Anu’t-ano pa man,
Sana… Sana patawarin mo ako.
Salamat dahil dumaan ka sa buhay ko
Marami pa rin akong natututunan
At hanggang ngayon pinapalakas pa rin ako
Ng ginawa mong walang kasing-biglang paglisan
Ilang beses ko nang sinabi sa iyo,
“Pinapatawad na kita.”
Pero ngayon lang talaga ito naging totoo
Dahil pinapatawad ko na rin nang lubos
Ang nawawalang sarili ko.
Ingat ka palagi.
Salamat sa lahat.
Bye.
_________________________________________________________________________
“ESPASYO” —MISH
“Mahal maghiwalay na muna tayo, kailangan natin ng espasyo” ang mga salita na dahan-dahang nagpagunaw ng mundo ko. Marahan mo itong binigkas nang walang pag-aatubili. Hindi ko mawari noon kung sinadya mo ba talagang sabihin ‘yon o may bumabagabag lamang sa iyong isipan. Andami kong gustong itanong sayo ngunit nagmistula akong estatuwa na hindi makagalaw dala ng pagkabigla, nagmistula akong pipi— napaso sa iyong mga salita, nanginginig at nababahala. Hindi ako umalis sa inyong tarangkahan— umaasa na nagbibiro ka lamang.
Hindi ka na ba nagagalak sa paksa ng mga tula na inilalathala ko sa’yo? Kasi mahal, iibahin ko. Hindi ka na ba natatawa sa mga biro ko? Kasi mahal, magsasaliksik ako ng bago. Hindi na ba ako ang iyong mainit na kape na kailangan mo sa t’wing umuulan? Ilan lang ‘yan sa samut-saring tanong na gusto kong itanong sa’yo. “At kung sakaling mahanap mo na yung espasyo na hinahanap mo, tandaan mo lang na nandito pa rin ako— handang maghintay.” Sa dinami-rami ng nais kong sabihin sa’yo, ‘yan lamang ang naisambit ko.
Buong akala ko oras lang para makapag-isip ang kailangan mo ngunit mahal, magtatatlong taon na ngayon, gaano pa ba kalawak na espasyo ang kailangan mo upang ako’y balikan mo?
_________________________________________________________________________
“LOVE AT FIRST SIGHT” -ROILAN
sa bawat paggising sa umaga
sa bawat pagmulat nitong mata
king iniisip mukha ng isang dyosa
aking naalala kung paano nagkakilala
kung paano mo inabot ang iyong kamay
at sa aking pag alis ganito ka kumaway
Ang unang araw ng ating pagkikita
ninanais kong wag ng matapos pa
sapagkat ang gnada mong taglay mula ulo hanggang paa
ninais kong makita kang muli
pananabik ng puso ang tanging nakakubli
saan kita maaring matagpuan
sapagkat sa gabi, luha na ang punda ng aking unan
dahilan ng pananabik sa natatangi mong kagandahan
sa pagdaan ng bawat sandali
kaylangan ko ng mamili
aasa pa ba ako na magkikita tayong muli
Ngunit ako ngayoy nagdisisyon
ang ganda mo ay kaylangan ng ibaon
isama sa hukay sa balon
isama sa basurang itatapon
isama sa damong nakatumbon
isabay sa paglimot ng kahapon
ngayon ang iyong ganda ay nakalimutan ko na
aking pagsinta panandalian lang pala
ngayon akoy hindi na naghihintay at umaasa na muli kong masisilayan ang natatangi mong ganda.
_________________________________________________________________________
“Ang Buhay Ng Tao”-Nesutaa
Sa buhay ng tao, walang nakakaalam ng daan na eksakto, pero tiyak maraming lilikuang kanto, pasikot-sikot, pabalik-balik. Minsan nakakasawa, at nakakaubos ng pasensya. Madali lang naman sumuko, huminto, at wag nang dumiretso. Pero ano pa’t nabuhay sa mundo na hindi man lang nahanap ang dahilan kung bakit andito?
Marahil nawawalan na ng pag-asa, dahil puro na lamang masama ang naibabalita. Marahil isa sa mga gusto na lamang maglaho dahil marami na ang nag-aasal barbaro. Unti-unti nang nilalamon ng ilusyon ang mga tao. Nabubulag sa makamundong pagnanasa at gawain. Hanggang sa magkakaaway na ang tingin.
Pero hindi dapat ganito, hindi tayo inilagay dito para mag-umpisa ng gulo. Hindi ginawa para makidigma, hindi ginawa para gumawa ng masama. Hindi tayo binuhay para pumatay dahil hindi tayo papatay para mabuhay.
Bakit nga ba tayo nabuhay kung tayo rin ay mamamatay?
Kung hindi mahanap ang kasagutan, kaya buhay ay inaayawan hindi iyan dahilan para magpakagago, malulong sa bisyo, at parusahan ang mga nasa paligid at higit pa ay ang sarili. Kung walang magagawa, wag sisihin ang tadhana. Sa ayaw mo man o sa hindi, tao na. Hindi na pwedeng ibalik sa sinapupunan ng ina.
Walang kasiguraduhan kung ilang beses bang mabubuhay, wala pa namang bumabalik sa mga namatay. Andyan na iyan, andyan na ang buhay. Pwedeng hintayin na mamatay na lang, magpakamatay na lang, o bigyan ng saysay ang buhay. Dahil hindi naman pwedeng magreklamo na sana hindi muna isinilang, dahil sa hindi pa handa. Sino nga ba ang naging handa? Wag tayong umastang biktima, dahil sa una lahat tayo’y biktima. Sa mga panahon na wala pang ideya kung bakit ba humihinga. Pero sa sandaling malaman na ang buhay ay may halaga, na hindi lang tayo basta-bastang nilikha para kumita ng pera at makalamang sa kapwa, tayo mismo ang magsasabi na Dakila nga ang Dakilang Lumikha.
Buksan ang mga mata, nabuhay hindi para sa iba, hindi para magparami ng pera, at maging kilala. Nabuhay tayo para sa Kanya. Siya ang dapat na unang hinahanap, Siya ang unang kinikilala, nasa Kanya ang mga kasagutan, para sa ikapapayapa ng isipan. Kasikatan, kayamanan, katanyagan lahat nang iyan ay mababalewala kung hindi pupunan ang puwang sa puso na tanging Panginoon lamang ang makabubuo.
Hindi ba nakapagtataka kung bakit marami ngayon ay nasa dilim at nangangapa? Kung bakit marami ang nawawala, hinahanap ang kung anong bagay na sa tingin nila ay magpapakumpleto sa kanila? Kasi lahat ay hinarap na nila pero lang ang isa. Lahat nakilala na nila pero lang ang isa. Lahat maliban sa Diyos Ama.
_________________________________________________________________________
Sana ay nagustuhan ninyo ang mga ilang spoken poerty, kung kayo ay naantig maari ninyo
itong makita sa ‘Tagalog Filipino Spoken Poetry’ at ‘Filipino Spoken Word’. Kung kayo ay may mga katanungan maari ninyo itong isulat sa comment section. Huwag ninyo din kalimutan i-check ang iba pa namin mga blogs dito sa Pacute.com!